Posts

Showing posts from 2018

Pagtutupi

Tirik na ang araw ng pagaalinlangan Tumuyo sa mga piraso ng damit Ngayo'y sinasamsam Kahapon nang maglaba'y may masasayang gunita Salansan ng matatamis at mapapait na alaala Nahulog ang panyo mula sa ipitan Tumuyo sa basang palangganang nakaabang Sana'y kaya ring tuyuin luhang bumabalong Pumupuno sa timba lungkot ay tumatapon Ipinasok sa silid ang tuyong mga damit Ipinatong sa kamang ngayo'y maluwang at nanlalamig Sininop isa isa bawat hugis at laki Iningatang magkahalo ang sa iyo'y itinabi Tinitiklop ang sakit at pait ng nakaraan Pinapagpag paninibugho't pag-aasam Pinasadahan ng mga kamay mga di malilimutang sandali Mga lukot at gusot sa laylayan ng pagmamahalan Isinilid na sa kahon ang natitirang pag-asa Itinupi't inilagay ang huling mga labada Sinarhan ng halik ikinandado ng pagpapaubaya Sa iyong paglisan huwag ng lilingon pa