Posts

Showing posts from July, 2017

Ikaw (March 2007)

Ikaw ang dahilan kung bakit may saya May ngiti sa labi't may ningning ang mata Ikaw nga ang araw ng bawat umaga Kung tag-ulan naman, hatid mo'y pag-asa Laman ka ng isip, hindi nawawaglit Sa tuwi-tuwina sayo'y nasasabik Mula sa paggisising hanggang managinip Di nais mawalay kahit isang saglit Lahat ng mayroon sayo'y iaalay Sukdulang magtiis lumigaya ka lang Sa bawat pagluha akong nahihilam Ang kalungkutan mo'y aking kamatayan Wagas na damdamin, laman nitong diddib Mahalin mo lamang tanging ninanais Dito sa puso ko, wala kang kapalit Nabubuhay ako sa iyong pag-ibig *Unang tula ng pag-ibig para kay Marlon S. Dela Cuadra https://www.youtube.com/watch?v=MpdZxKycjcw

Balik Tanaw

Image
"Apat na taon na mula nang ikaw ay lumisan. Alaala mo na lamang ang binabalik-balikan." 7 Agosto 2013 To My One and Only True Love, May nagtanong sa akin, ano raw ba ang pakiramdam ng mamatayan ng dating karelasyon. “Malungkot” awtomatiko kong tugon. Higit na malungkot yung sa atin dahil hindi kagandahan ang naging pagtatapos. Sumama ang loob ko at nasaktan at tuluyang isinara ang anumang pakikipag-ugnayan sa iyo. Huling usap natin ng personal di ba inamin ko pa sa iyo na walang nabago sa nararamdaman ko sa iyo kahit nagkahiwalay man tayo? At ikaw lang ang lalaking minahal ko, bukod sa Tatay ko. At ewan ko ba kako sa sarili ko kung bakit kahit anong pananakit ang gawin mo sa kalooban ko, lagi pa rin kitang napapatawad, natatanggap at handang unawain. Pero sa huling natuklasan ko, bumalik yung dating takot, sakit at pait. Takot na paano kung mauwi rin sa wala ang anumang sisimulan nating muli? Sakit sa isiping bakit kailangang pati ako ay saktan mo? Wala nama...

Pagtutupi (ni Mary Ann)

Image
Tirik na ang araw ng pag-aalinlangan Tumuyo sa mga piraso ng damit, ngayo'y sinasamsam Kahapon nang maglaba'y may masasayang gunita Salansan ng matatamis at mapapait na alaala Nahulog ang panyo mula sa ipitan Tumuyo sa basang palangganang nakaabang Sana'y kaya ring tuyuin ang luhang bumabalong Pumupuno sa timba, lungkot ay tumatapon Ipinasok sa silid ang tuyong mga damit Ipinatong sa kamang ngayo'y maluwang at nanlalamig Sininop isa-isa, bawat hugis at laki Iningatang magkahalo, ang sa iyo'y itinabi Tinitiklop ang sakit at pait ng nakaraan Pinapagpag paninibugho't pag-aasam Pinasadahan ng mga kamay mga di malilimutang sandali Mga lukot at gusot sa laylayan ng pagmamahalan Isinilid na sa kahon ang nalalabing pag-asa Itinupi't inilagay ang huling mga labada Sinarhan ng halik, ikinandado ng pagpapaubaya Sa iyong paglisan, huwag ng lilingon pa - 12 June 2016 (araw ng paglaya)