Paruparo ng Bulaklak
May kaway
ang nektar ng Gitnang Silangan
Sa mga
bulaklak may ‘tinagong yaman
Salat na
sa parang yaring Inang bayan
Pobreng
paruparo’y nagpasyang lumisan
Pag-asa’t
naisin kipkip sa pag-alis
Pinahid
ang luhang agad namalisbis
Pangamba
at takot hinawing mabilis
Kakayaning
lahat at handang magtiis
Naiwan ang
puso balot ng sumpaan
Tamis ng
pag-ibig ang baong larawan
“Walang
mababago” ang huling usapan
Muling
magkikita tuloy ang lambingan
Mainit na
hangin, pumaso sa balat
Banyagang
salita hirap madalumat
Tila
umiiwas, abala ang lahat
Estrangherong
ngiti sa init ay salat
Lubos ang
ligaya pagsapit ng dilim
Araw na napilas
sa ‘king paninimdim
Ang
pangungulila’y tuloy sa paglalim
Mahinhing
paghibik tuwing takipsilim
Pag-ibig kong wagas tuluyang nagwakas
Bumitiw sa
tali, nagpilit kumalas
Makulay na
pakpak nawalan ng lakas
Sa
pagkaduhagi, paano aalpas?
Madilim na
ulap, malungkot na hangin
Amang
minamahal tumangging kumain
Kanyang
paghihirap, kalbaryo sa akin
Dugtungan
ang buhay, sa Poo’y dalangin
Paruparo’y
dagling lumipad pabalik
Maleta ng
luha lama’y pananabik
Tumunghay
sa amang pikit walang imik
Pabao’y
bulaklak may kintal ng halik
*Para sa alaala ng aking ama at ni M.

Comments
Post a Comment