Balik Tanaw

"Apat na taon na mula nang ikaw ay lumisan. Alaala mo na lamang ang binabalik-balikan."


7 Agosto 2013


To My One and Only True Love,


May nagtanong sa akin, ano raw ba ang pakiramdam ng mamatayan ng dating karelasyon. “Malungkot” awtomatiko kong tugon. Higit na malungkot yung sa atin dahil hindi kagandahan ang naging pagtatapos. Sumama ang loob ko at nasaktan at tuluyang isinara ang anumang pakikipag-ugnayan sa iyo. Huling usap natin ng personal di ba inamin ko pa sa iyo na walang nabago sa nararamdaman ko sa iyo kahit nagkahiwalay man tayo? At ikaw lang ang lalaking minahal ko, bukod sa Tatay ko. At ewan ko ba kako sa sarili ko kung bakit kahit anong pananakit ang gawin mo sa kalooban ko, lagi pa rin kitang napapatawad, natatanggap at handang unawain. Pero sa huling natuklasan ko, bumalik yung dating takot, sakit at pait. Takot na paano kung mauwi rin sa wala ang anumang sisimulan nating muli? Sakit sa isiping bakit kailangang pati ako ay saktan mo? Wala naman akong ginawang masama sa iyo sa buong panahon na tayo. At pait sa pagtanggap na oo nga at paulit ulit mong sinasabing mahal na mahal mo pa rin ako at gustong makasama muli pero bakit iba ang napapatunayan mo sa akin?

Ang daya mo. Ang daya-daya mo. Hinayaan mong sumama ang loob ko sa iyo nang tuluyan. At walang indikasyon na nais mo pa akong makausap. Ang Ate ko lang ang nagbabalita sa akin ng ilan sa mga pinagdadaanan mo. Wala akong magawa kundi ang ipagdasal ka, araw-araw. Hiniling ko sa Diyos na sana pagalingin ka at maging normal ulit ang buhay, kahit na di na ako ang nasa tabi mo. Ang dami-dami ko sanang gustong sabihin sa iyo. Ngunit hindi ko alam kung paano at saan magsisimula. At di rin ako sigurado kung makakabuti pa ba iyon. Paano kung makagulo lang ako? Paano kung dahil sa akin malito na naman ang isip mo? Paano kung makasakit na naman ako ng ibang tao? Pinili kong manahimik na lang at magparaya. Idinalangin ko na lang ang iyong kaligayahan at ang iyong pag galing. Ang tanging konsolasyon ko na lang sa sarili ko ay mayroon naman ng mag-aalaga sa iyo, wala man ako sa iyong tabi. Mayroon kang makakapitan.

Kung inaakala mo na magiging napakadali sa akin na tanggapin ang iyong pagkawala dahil hindi naman na tayo nakapagusap pa. Nagkakamali ka. Matagal ng nawala ang galit sa puso ko. Napalitan na ng pagpapatawad at pilit hinahanapan ng kasagutan sa isip kung bakit mo nagawa sa akin iyon. Pilit kitang inuunawa. Napakasakit sa akin ng pagkawala mo. Pinanghihinayangan ko na pinairal ko ang takot at tigas ng kalooban. Pinanghihinayangan ko na hindi ko nasabi sa iyo ng harapan na pinatatawad na kita. Pinanghihinayangan ko ang panahong nasayang na sana ay nadamayan kita sa iyong paghihirap. Baka kahit paano ay napagaan ko ang bigat na dulot ng iyong pagkakasakit kung nasa tabi mo ako. Pinanghihinayangan ko na hindi ko man lang naipadamang muli kung gaano ba kita talaga kamahal. Na kung mabibigyan ng pagkakataon, kaya kong ibigay sa iyo ang kalahati ng natitira ko pang buhay upang madugtungan ang panahong ilalagi mo sa dito sa mundo. Pinanghihinayangan ko na hindi man lang kita ulit nayakap nang mahigpit.

Buhay na buhay ka sa aking ala-ala. Oo nga at nasaktan mo ako pero ikaw rin ang nagbigay sa akin ng maraming kadahilanan upang maging maligaya at maging matapang sa buhay. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lalaking sobra kong minahal at minamahal magpahanggang ngayon. Ikaw lang ang nagiisa kong navigator, ang taga-turo ng tamang daan at direksyon sa tuwing naliligaw ako at di malaman ang daan patungo sa dapat kong puntahan. Lagi mong sinasabi na magaling ako at napakabuti ko at lagi mo akong ipinagmamalaki kahit kanino, wag kang mag-alala patuloy ko pang gagalingan ang lahat ng larangang papasukin ko at itutuloy ko ang pagiging mabuting tao. Mananatili kang isa sa mga inspirasyon ko sa buhay.

Mamimiss kita nang sobra. Yung tawa at halakhak mo ay hindi ko na muli pang maririnig. Yung ngiti mo habang inaasar mo ako. Yung pag-aalala mo para sa pamilya ko. Yung pag-aalaga mo sa akin. Yung masaya mong mukha kapag nagkukuwento ka ng tungkol sa pamilya mo. Yung pagmamalaki mo sa tuwing may na-a-accomplish ka or yung pagyayabang mo sa iba ng mga accomplishments ko . Yung yamot kapag may nang-aapi sa akin. Yung excitement mo kapag napangakuan na ipagluluto kita ng gusto mong ulam. Mamimiss ko ang kiligin dahil lang sa simpleng text mo at tawag o kaya naman sa tuwing kakantahan mo ako ng “Come What May”. Mamimiss kong ma-excite sa pagbubukas ng card na ibinigay mo. Mamimiss ko ang mahalin ng isang Marlon Dela Cuadra. Mamimiss ko ang lahat-lahat sa iyo. :(

Ipinagpapasalamat ko na naging napakahalagang bahagi ako ng iyong buhay. Ipinagpapasalamat ko na nagkaroon ng isa pang anak ang Tatay at Nanay ko at dagdag na kapatid ang mga ate sa katauhan mo. Ipinagpapasalamat ko ang lahat ng nagawa mo sa akin at sa lahat ng taong mahal ko. Ipinagpapasalamat ko sa Panginoon na pinagtagpo niya tayo. Ipinagpapasalamat ko ang napakaraming aral sa buhay na itinuro mo at ng pagmamahal mo.
Paalam . . . hindi ko iyan nasabi sa iyo nang harapan. Paalam sa tanging lalaking pinagsanlaan ko ng puso ko. Paalam sa isang kaibigan, sa isang dating karelasyon, sa lalaking ngmamay-ari ng aking puso hanggang ngayon. Napakaikli lang ng iyong naging paglalakbay. Ngunit sinulit mo iyon sa pagpapadama kung gaano kahalaga sa iyo ang iyong pamilya, ipinakita mo sa lahat kung gaano ka kabuting tao. Ipinadama mo kung gaano mo ako kamahal.

Sa tuwing malulungkot ako, babalik-balikan ko sa isip ko ang masasayang alaala nating dalawa.

 Hinding-hindi kita makakalimutan.

 Mahal na mahal kita.

 Dalangin ko ang kapayapaan ng iyong kaluluwa.



Palaging nagmamahal,



Me-Ann






Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Pagtutupi

7 Words Stories

Paruparo ng Bulaklak